Bakit

Bakit sa tuwing nakikita ka, ako’y sumasaya
Bakit sa mga pagkakataong ika’y mamasdan ako’y kinakabahan
Bakit sa tuwing ika’y magsasalita, mga sambit mo’y parang musika
Bakit ba tila ako’y baliw na baliw na

Bakit noon hindi agad kita napansin
Bakit ngayon nag-iba ang aking pagtingin
Bakit dati ang dali mo lang kausapin
Bakit ngayon kahit pagbati di ko na kayang gawin

Bakit ba kasi ang hirap umamin
Bakit kasi atensyon ko sayo pa nabaling
Bakit sa dami ng kaibigan at kakilala ko
Bakit sa lahat, ikaw pa ang napili ng puso kong ito

Manila Int’l Book Fair: book-signing sched + t-shirt Raffle + free tickets!

Libreng MIBF Tickets at Raffle ng Magandang Shirt mula sa Adarna House!

The Adarna House Blog

Click on image to enlarge. Schedule of new title authors’ & illustrators’ signing.
Many more book creators present at the booth!

September is just around the corner! This year’s Manila International Book Fair, the biggest convention of local and international publishers in the country, will be held from September 17 to 21 (Wed-Sat) this year, still at the SMX Convention Center.

Let us be the first to invite you to mark your calendars for this event, for which we have again prepared many surprises! We can’t possibly fit everything into one post, so we will start this off with the final book-signing schedule of our new title authors and illustrators. (See above image.) Of course, there will be many more authors and illustrators available at our booth so drop by anytime and you might just spot your favorite book creator there! As usual, we are giving out free printable MIBF…

View original post 87 more words

Nagugulumihanan

Nakaranas ka na bang umibig? Mabigo? Ako, maraming beses na. At sa bawat pagtatapos ng mga kabiguang yun, lagi kong sinasabi sa aking sarili na magiging mas maingat na ako. Dahil parang di ko na kaya uling masaktan. Nakadadala. Kahit ngayon na naiisip kong ayos na ko mula sa nakaraan, tuwing naaalala ko ang mga sakit na yun, parang sariwa pa rin ang lahat. Parang hindi pa rin naghihilom.

Naisip ko na maging mapagmatigas. Iiwasan ko ng mahulog ang loob ko sa kahit na sinuman. Ngunit sino ba naman ako? Wala naman akong kapangyarihan. Dahil kapag nagsimula uli akong umibig. Wala akong kakayahan na ito’y pigilan.

At dumating na nga ang kinakatakot ko. May nakilala na naman ako. Ngunit hindi ko inasahan sa una na magugustuhan ko siya. Katulad lang din niya ang iba kong mga kaibigan. Nagsimula lang kami sa simpleng pagtawag ng pangalan habang nagkikita kami. Hanggang sa dumating sa punto na napapatigil na kami at may kaunting kamustahan na. Pero wala. Wala talaga. Hindi ko naisip na magkagusto sa kanya.

Ngunit parang biglang may nagbago. Nag-iba ang pakikitungo niya sa akin. Naisip ko na baka talagang palakaibigan lang siya. Pero iba ang sinasabi ng mga kaibigan ko. At hindi ko din maipagkakailang pumasok sa isip ko, “Baka gusto niya ko.” At simula noon, lahat ng ginagawa niya, pinag-iisipan ko na. Nagtatalo ang dalawang ideya sa isip ko, ginagawa niya ba ang mga iyon dahil kaibigan niya ako o dahil gusto niya ko?

Nakalimutan ko na din ang tao na dahilan ng huling pag-iyak ko. Siya na ang palaging laman ng isip ko. Hanggang sa panaginip dinadalaw niya ko. At aaminin ko, napapangiti ako kapag nakikita ko siya o kahit ang pangalan lang niya. Gusto ko na nga siya. Hindi. Gusto ko na talaga siya. Pero hindi naman ako sigurado kung gusto din ba talaga niya ko.

Heto na naman ako. Hindi ko maiwasan. Hindi ko mapigilan. Inihahanda ko na din ang sarili ko masakatan. Kung sakaling malaman ko na ang lahat pala ng iyon ay wala lang sa kanya. Kung ang lahat ng iyon ay guni-guni ko lang. Sana ay hindi naman. Dahil pagod na ko. Pa-ulit-ulit na lang. Sana sa pagkakataong ito, mapatunayan kong ang kabiguan ay may katapusan.

Bawal na Gamot

Marinig pa lang ang pangalan mo
Nagigising na ang diwa ko
Di mapaliwanag na kasiyahan
Bumabalot sa aking puso’t isipan

Mahahalintulad kita sa bawal na gamot
Dahil kakaibang sigla ang pinadarama mo
Siguro nga ay baliw na talaga ako
Umaga hanggang gabi, kakaisip sayo

Ngunit sa bawat ligaya may kalakip na lungkot
Ikaw din ay may di magandang dulot
Ang ngiti ko’y unti-unti naging simangot
Ang saya ko di kalauna’y naging poot

Muntikan

Nagkita ngunit di nagpansinan
Nagkatinginan muli ng di inaasahan
Nagpakilala at nakipagkaibigan
Nakapagusap, nakapagmabutihan

Namasyal at nanood sa sinehan
Nag-asaran at tawanan hanggang sumakit ang tiyan
Usapang magdamagan parang walang hanggan
Unang pagkakataon na siya’y nahagkan

Mga araw at buwan ay nagdaan
Akala natin ito’y pangmatagalan
Unti-unting na lang naglaho at lumisan
Pag-ibig pala natin ay muntikan lamang

Maikling Kwento

May isang batang nagngangalang Jose. Galing sya sa isang simple ngunit masayang pamilya. Siya ay siyam na taong gulang at nasa ikatlong baitang na.

Araw araw niyang nilalakad ang daan papuntang paaralan dahil ito’y malapit lang sa kanilang bahay at para na rin makatipid siya.

Isang araw, habang siya’y naglalakad, napansin niya ang isang matandang lalaki na nakaupo sa daan malapit sa basurahan. Ito’y mukhang malungkot at hinang hina na. nilapitan niya ito at kinausap. “Lolo, bakit po kayo nandito? Madumi po dito.”

“Napagod lang ako iho kaya naupo ako dito.” sagot ng matanda. Iniabot ni Jose ang kanyang baong tinapay. “Kain po kayo oh. Ingat po kayo ha.”

At tumakbo na si Jose dahil siya ay mahuhuli na sa klase ngunit sumulyap uli ito sa matanda at nakitang niyang binuksan nito ang balot ng tinapay at kumain na.

Sumunod na araw, nakita na naman ni Jose ang matanda. Binigay niya uli dito ang kanyang baon. At naulit ito ng mga sumunod pang mga araw. Nagtataka ang nanay ni Jose kung bakit gutom ito palagi paguwi ng bahay. “Anak, bakit gutom na gutom ka? tanong ng kanyang nanay. “Sadyang marami lang po kaming ginagawa sa paaralan kaya’t ako po’y sobrang napagod at nagutom.” wika ni Jose.

Nang pumunta uli si Jose kinabukasan sa kinaroroonan lagi ng matanda, wala na ito doon. Ngunit ng sya’y lumingat, nakita niya ito na maayos ang bihis at may kasamang babae na mukhang mayaman at mas bata ang edad.

Tinawag ng matanda si Jose. “Iho, ito pala ang anak ko, sinusundo na niya ako. Uuwi na kami. Nanatili ako dito ng ilang araw dahil nakalimutan ko ang daan pauwi sa amin. Mabuti at nahanap nila ako. Hinding hindi ko makakalimutan ang kabutihang ginawa mo sa akin. Sa mura mong edad, naiisip mo nang tumulong sa kapwa. Nawa’y pagpalain ka pa ng panginoon”

“Walang ano man po iyon, lolo. Maninibago po ako na hindi ko na po kayo makikita pagpasok ko po sa paaralan” Pabiro ngunit naluluhang sambit nito.

“Salamat sa pagmamalasakit mo sa aking tatay. Kung may kailangan ka, ito ang papunta sa aming bahay.” wika ng anak ng matanda pagabot nito ng papel.

Mahigpit na niyakap ng matanda si Jose. At binigyan niya ito ng munting regalo.

Ang Pisi ng Aking Guryon

Sa malakas na ihip ng hangin
Aking guryon ay tinatangay
Ganda nito’y ating angkinin
Langit ay nagiging makulay

Ngunit kung iyong mapapansin
Pisi ang nagdidikta ng kanyang tatahakin
Sa haba nito at galaw
Pagsayaw ay di magaslaw

Ang mahabang pisi ay wari’ng
Landas na ating susuungin
Patungo sa matayog na pangarap
Hanggang sa maabot ang araw at mga ulap

Ang bawat paggalaw at paghatak
Kasabay ng hanging mapaglaro
Ay parang pagdedesisyon sa’ting buhay
Sa alon ng tadhanang mapagbiro

Atin lamang tandaan
Mabuhay sa katiwasayan
Tulad ng batang naglalaro ng guryon
Na puno ng kamusmusan